-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Kinumpirma ni Agusan del Sur Vice Governor Patricia Anne Plaza na mahigpit na seguridad ang ipinatutupad sa buong lalawigan, lalo na sa provincial government center, upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng delegado at manonood sa Palarong Pambansa 2026.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, sinabi ng bise gobernador na nakakalat na ang kanilang mga intelligence agents upang mag-monitor sa lahat ng playing venues at billeting quarters, at handang kumilos agad kapag may matanggap na ulat, lalo na laban sa mga mahuhuling gumagawa ng hindi kanais-nais na gawain.

Naka-alerto na rin ang mga itinalagang ahensya para sa mabilis na pagresponde kung sakaling may hindi pangkaraniwang insidente.

Ipinaliwanag din niya na mahigpit ang ipinatutupad na media accreditation, kabilang ang mga vloggers, upang maiwasan ang pagkalat ng fake news at ang pamba-bash sa mga learner-athletes na pawang mga menor de edad.

Dagdag pa ni Plaza, bukod sa naitalang aksidenteng kinasangkutan ng mga delegado ng Palaro kamakailan, wala nang ibang hindi kanais-nais na insidente ang naitala.

Kaugnay nito’y masiglang nananawagan si Vice Governor Plaza sa publiko na makiisa at manood ng Palarong Pambansa 2026, at sumunod sa mga patakaran upang masiyahan hindi lamang sa opening ceremonies kundi pati na rin sa iba pang mga aktibidad na kanilang inihanda.