-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang mga hindi bakunado ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) na hindi sila aarestuhin kundi sila ay pauuwiin lamang sa kanilang mga bahay.

Ang mga barangay officials daw ang bahala sa mga ito at hindi sila aarestuhin bastat sumunod lamang ang mga ito.

Pero sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na kapag magmamatigas daw ang mga hindi pa bakunado ay dito na sila puwersahang pauuwiin.

Ayon sa kalihim maglalagay daw ang mga law enforcers ng checkpoints para makontrol ang mobility ng mga unvaccinated individuals dahil na rin sa biglaang pagtaas ng kaso ng COVID-19 na pinapaniwalaang epekto ng Omicron variant.

Noong Huwebes nang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga barangay officials na abisuhan na ang kanilang constituents na hindi bakunado na manatili muna sa kanilang bahay at aarestuhin ang mga ito kapag hindi makiki-cooperate.

Layon nitong limitahan ang kilos ng mga bakunado habang mayroon pang surge ng COVID-19.

Sinabi naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na saka lamang aarestuhin ang mga hindi bakunadong indibidwal na aalis sa kanilang bahay na wala namang balidong rason at kapag papalag o makikipag-away sa mga otoridad.

Naayon din ang pag-aresto sa ordinansa ng kanilang local government units (LGUs).

Kaya naman todo ang panawagan ni Año sa lahat na magpabakuna na para hindi sila pauwiin kung gusto nilang lumabas.

Kasabay nito, nagbabala naman ang opisyal sa mga kababayan nating magpiprisinta ng pekeng vaccination cards na aarestuhin ang mga ito at mahaharap sila sa kaukulang kaso.