-- Advertisements --

Mananatiling sarado ang mga sinehan sa Marikina City kahit pa isailalim sa modified general community quarantine ang buong Metro Manila sa susunod na buwan, ayon kay Mayor Marcelino Teodoro.

Sa isang panayam, sinabi ni Teodoro na nagkasundo ang local government, mga movie at cinema operators, pati na rina ng mga may-ari ng malls sa Marikina, na huwag munang magbukas ng operasyon.

Sa katunayan, naglabas na rin aniya siya ng executive order patungkol sa usapin na ito.

Hindi lamang silang mga opisyal ng lungsod ang nababahala sa posibleng hawaan ng COVID-19 kundi maging ang mga operators din ng sinehan.

Samantala, pinayuhan naman ni Teodoro ang mga mahilig manood ng sine na sa online na lamang pa rin manood ng mga palabas at huwag nang ilagay pa sa peligro ang kanilang buhay pati na rin ng sa iba.

Nauna nang inaprubahan ng IATF ang proposal na isailalim ang buong bansa sa MGCQ simula Marso, pero wala pang desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte patungkol dito.