-- Advertisements --

Sinabi ni Senador Panfilo Lacson na may paraan pa rin upang makadalo nang pisikal sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang mga senador na posibleng maaresto o makulong, nang hindi kinakailangang gumamit ng online participation o voting.

Ayon kay Lacson, maaaring humingi ng “leave of court” ang Impeachment Court sa Sandiganbayan o sa anumang korte na may hawak ng kaso ng isang senador upang pahintulutan itong dumalo sa Senado habang nililitis ang impeachment case. Kapag pinayagan umano ito, maaaring iutos sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na eskortahan ang senador patungo sa Senado.

Giit ni Lacson, hindi maaaring payagan ang “work-from-jail” setup dahil malinaw umano sa Senate rules na online participation ay para lamang sa force majeure, national emergency, o matitinding sitwasyon.

Binanggit din niya ang sitwasyon ni Sen. Ronald dela Rosa na kasalukuyang nagtatago matapos maisyuhan ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng war on drugs ng administrasyong Duterte.

Dagdag pa ni Lacson, maaaring maging “double-edged sword” para kay dela Rosa ang online participation dahil posibleng matunton ng mga awtoridad ang kanyang lokasyon sa pamamagitan ng IP address kapag siya ay nag-login sa isang Senate session online. (report by Bombo Jai)