Kinuwestyon ng litigation lawyer na si Atty. Howard Calleja ang tuloy-tuloy na pagliban ng ilang senator-judge sa nagpapatuloy na trial laban kay VP Sara Duterte.
Kung babalikan, kadalasang 17-19 senator judge lamang ang present sa pagsisimula ng bawat trial day habang naka-medical leave din si Sen. Loren Legarda.
Ayon kay Atty. Calleja, dapat ay present ang mga senator-judge at aktibong nakikibahagi sa trial upang mas maintindihan ang pag-usad ng kaso.
Dapat din aniyang maging maalam ang mga husgado sa kabuuang itinatakbo ng kaso at maintindihan ang parehong presentasyon ng House panel at ng Defense team.
Ang tuloy-tuloy na pagliban aniya ng isang judge ay magiging malaking kuwestyon sa kanilang abilidad na makibahagi sa final judgement, kapag matatapos na ang paglilitis.
Kinuwestyon din ni Atty. Calleja ang kasalukuyang medical leave ni Sen. Loren Legarda habang nasa kasagsagan ng paglilitis laban sa pangalawang pangulo.
Nanindigan ang batikang litigation lawyer na tungkulin ng mga senador na nagsisilbi bilang mga husgado, na intindihin ang kaso at dumalo sa bawat araw na itinalaga para sa paglilitis. (report by Bombo Genesis Racho)
















