Mariing kinondena ng mga senador ang panibagong pagpapasabog sa Jolo, Sulu.
Matatandaang mahigit isang dosena ang naitalang namatay mula sa mga tauhan ng militar, habang may ilan ding nadamay na sibilyan.
Natapat pa man din ang pag-atake habang nakasalang sa Commission on Appointments (CA) si Lieutenant General Corleto Vinluan Jr., na tumatayong chief ng Western Mindanao Command.
Ayon kay Sen. Christopher “Bong” Go, nakakalungkot na sa kabila ng pagsisikap ng gobyerno na maisaayos ang mga problema ng bayan, may mga grupo pa ring gumagawa ng karahasan.
“Nakakalungkot na habang ginagawa natin ang lahat upang maisaayos ang ating lipunan at mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang ating mga anak, may mga terorista pa ring patuloy na inilalagay sa peligro ang buhay ng mga inosente nating kababayan. Hangga’t hindi natin matigil ang terorismo sa bansa, mahihirapan tayong maisakatuparan ang inaasam nating ‘long-lasting peace’ sa Mindanao at sa buong bansa,” wika ni Sen. Go.
Hinimok naman ni Sen. Imee Marcos ang mga otoridad na huwag huminto sa paghahanap sa mga utak ng terorismo para panagutin ang mga ito sa batas, alang-alang sa mga biktima at maging sa kanilang mga naulila.
“huwag po tayong titigil hanggang hindi natin mahanap at maparusahan ang mga pasimuno nito,” saad ng pahayag ni Marcos.
Samantala, ipagdarasal naman daw ni Sen. Risa Hontiveros ang lahat para mailayo ang sa panganib na dala ng mga gustong maghasik ng dahas at takot.
“I express my deepest grief about the soldiers and civilians killed in today’s twin explosions in Jolo, Sulu. Nakikidalamhati ako sa kanilang mga pamilya at mga mahal sa buhay. Ipinagdarasal ko rin ang kaligtasan ng lahat mula sa mga gustong maghasik ng dahas at takot,” pahayg ni Hontiveros.
Una rito, sinabi ni Sen. Richard Gordon na agad silang nag-deploy ng mga tauhan mula sa Philippine Red Cross para tulungan ang mga biktima ng Sulu bombing incident.