-- Advertisements --

Hinimok ng isang mambabatas mula sa Bicol ang Senado na ipakita ang kanilang dedikasyon sa pagsuporta sa isinusulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agarang pag-amyenda sa ‘restrictive economic provisions ng 1987 Constitution.

Sang-ayon din si Ako Bicol Partylist Representative Raul Angelo “Jil” D. Bongalon, miyembro ng House Committee on Constitutional Amendments, sa obserbasyon ni Pangulong Marcos na ang kasalukuyang Konstitusyon ay naglalaman ng mga probisyon na naglilimita sa paglago ng ekonomiya, pagpasok ng dayuhang pamumuhunan, at kahandaan ng pamahalaan.

Sa kanyang talumpati noong Pebrero 8 sa harap ng mga dumalong mambabatas, opisyal ng pamahalaan at miyembro ng Philippine Constitution Association (Philconsa), inihayag ng Pangulo ang hangarin na mapa-unlad ang bansa at maging handa ito sa mga hamon ng ika-21 siglo sa pamamagitan ng mahahalagang repormang konstitusyonal.

Iginiit naman ng Pangulo na ang sinusuportahan lamang nito ay ang pagbabago sa mga probisyong may kinalaman sa ekonomiya.

Sinabi ng Punong Ehekutibo na bagamat may halos 16 porsyentong pagbaba sa net foreign direct investment (FDI) inflows, patuloy pa ring lumalago ang ekonomiya ng Pilipinas at inaasahang magpapatuloy pang lumago sa pagitan ng anim at kalahating porsyento hanggang pito at kalahating porsyento ngayong taon.

Sa parehong pagtitipon, inihalimbawa naman ni retired Supreme Court (SC) Chief Justice Reynato S. Puno ang naging karanasan ng Estados Unidos, na sinasabing walang Konstitusyon na likha ng mga tao at para sa mga tao na perpekto, walang kamalian, at hindi nangangailangan ng mga pagbabago.