-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN -Nakakaranas ngayon ng pagkabalisa ang mga residente sa Okinawa, Japan sa gitna ng tuloy-tuloy na pag-ulan at banta ng panibagong sama ng panahon.

Ito ang ibinahagi ni Bombo International News Correspondent sa bansang Japan na si Hannah Galvez hinggil sa nararanasang malalakas na mga pagulan at panibagong sama ng panahon sa silangan ng kabisera ng bansa, Tokyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na mahigpit na nakabantay ang mga awtoridad sa papalapit na bago at pang-pitong bagyo sa bansa na inaasahang magiging malakas at malawak ang pananalasa lalo na’t nananatiling maraming indibidwal ang apektado sa nagdaang Typhoon Khanun.

Aniya na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin naibabalik ang power at water supply sa mga apektadong kabahayan sa Okinawa, at inaasahan na may katagalan bago maisaayos ang lahat ng nagsipagtumbahan at mga itinangay na electric posts.

Ibinahagi pa ni Galvez na maigting naman ang pakikipagugnayan ng Japanese government sa mga local government units kung saan ay nagsasagawa ang mga ito ng kani-kanilang mga interbensyon at iba pang mga mekansimo upang matugunan ang malaking pinsala na iniwan ng Typhoon Khanun.

Nananatili namang nakaantabay ang weather state bureau ng bansa sa maaaring maging epekto ng panibagong bagyo na inaasahang papasok sa Kanto region kung na saan ang Tokyo.