-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — “Masyadong magulo lalo na’t malapit na ang eleksyon.”

Ganito isinalarawan ni Bombo International News Correspondent Joey Omila ang kasalukuyang sitwasyon sa Tampa, Florida kaugnay pa rin ng pagkakaaresto kay dating US President Donald Trump dahil sa kinakaharap nitong mga kaso.

Sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, ibinahagi nito na sa kabila ng patung-patong na mga akusasyon laban sa dating Pangulo at bagamat hindi pa ito nakukuhanan ng kanyang mugshot, ay nangangampanya na ito para sa susunod na halalan kaya naman ay napakagulo ng sitwasyon ngayon.

Aniya na maraming resiente ngayon ang nangangamba sapagkat tinatawag na isang republican state ngayon ang Florida, subalit mayorya naman sa mga ito ay hindi sumasangayon at kinokondena ang kanyang mga gawain.

Dagdag pa nito na marami na rin ang naghihintay para sa kanyang trial na sigurado ani Omila na aabot hanggang sa election period, kung saan ay inaasahan na lalabas at lalabas ang mga ebidensya laban sa dating pangulo na hawak ng gobyerno.

Saad pa nito na sa kabila ng pag-plead ni Trump ng “not gulity” sa mga alegasyon laban sa kanya, marami naman aniyang mga witness na dating nagtatrabaho para sa kanya na handang tumestigo laban dito.

Ani Omila na wala ring katiyakan kung makukulong man ito o hindi sapagkat ang judge na hahawak umano ng kaso ay hindi rin optimistiko sa maaaring kalalabasan ng magiging pagdinig kaugnay nito.

Kaugnay nito ay nangangamba naman sila sapagkat marami aniyang sumusuporta sa dating pangulo, maging ang ilang mga Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho sa Estados Unidos, na nagmimistula na itong kulto.

Lumalabas kasi aniya na hindi lamang nais ng dating pangulo na siya na ang magsilbi bilang lider ng US panghabang-buhay, subalit mayroon din itong intensyon na i-blackmail ang Amerika sa pamamagitan ng pagtatago ng mga confidential documents kung saan nakapaloob ang mga nuclear secrets ng Amerika na balak nitong ibenta sa Russia.