mayor belmonte

Pinaalalahanan ngayon ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang employers na mahigpit pa ring ipinatutupad sa naturang lungsod ang anti-discrimination measures.

Kasunod na rin ito ng natanggap na reklamo ni Belmonte na nagkakaroon ng diskriminasyon sa mga residente ng Barangay Kamuning.

Sa naturang barangay umano kasi nakatira ang kauna-unahang nagpositibo sa bagong variant ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos itong umuwi mula sa Dubai noong Enero 7.

Sinabi ng alkalde na nakatanggap ito ng tawag sa kapitan ng Barangay Kamuning at sinabi nitiong napakarami raw sa kanyang constituents ang natatakot na dahil sa naturang isyu.

Karamihan daw sa mga empleyado mula sa Barangay Kamuning ang hindi na pinapasok sa iba’t ibang tanggapan.

Ayon kay Belmonte, ang diskriminasyon ngayong laban sa mga residente ng naturang barangay ay dahil na rin sa “premature” announcement sa pasyenteng sinasabing mayroong bagong variant ng nakamamatay na sakit.

Hindi raw pinapasok ang mga empleyado dahil sa kakulangan ng impormasyon, edukasyon at awareness sa isyu.

Nauunawaan naman daw ng alkalde ang ang sintimiyento ng mga employers pero mayroon daw naaprubahang anti-discrimination ordinance sa naturang lungsod.

Muling iginiit ni Belmonte na hindi raw umuwi sa kanilang bahay ang pasyente pagdating sa Pilippinas dahil agad itong dumiretso sa isolation facility.

Una rito, nilinaw ng mayora na wala pang basehan para i-lockdown ang Barangay Kamuning dahil sa bagong variant ng virus.

Ito ay dahil hindi naman daw nakatapak sa Kamuning ang pasyente.

Kagabi nang kumpirmahin ng Department of Health (DoH) na nakapasok na sa bansa ang bagong variant ng covid.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, dumating sa Pilipinas ang pasyente na may UK variant noong Enero 7.

Nanggaling ito sa Dubai kasama ang kanyang nobya, na lumabas na negatibo sa coronavirus.

Sa kabila nito, isinailalim pa rin sa mahigpit na quarantine at monitoring ang partner ng pasyente.