-- Advertisements --

Nagkaroon ng matinding tensyon sa isinagawang demolisyon sa isang compound sa Mayhaligue, Barangay 262, Tondo nitong Lunes, Mayo 26, habang tinangka ng mga residente na pigilan ang pagbuwag sa kanilang mga tahanan.

Ilang lalaki rin ang pumuwesto sa gate ng compound upang hadlangan ang mga awtoridad. Nagbagsak din ng mga plastic bag at mga gamit na may usok upang pigilan ang puwersa ng pulisya na makapasok.

Pansamantalang naantala ang demolisyon dahil sa biglaang pag-ulan.

Ayon kay Sheriff Reymundo Rojas ng Manila Metropolitan Trial Court Branch 24, hindi niya itinuloy ang paglusob bilang konsiderasyon sa mga nakatira dito. ngunit nilinaw na ipagpapatuloy pa rin ito dahil wala silang natatanggap na temporary restraining order (TRO).

Ayon sa mga awtoridad, inaalok ng P38,000 ang mga boluntaryong residenteng aalis sa lugar, subalit iginiit ng mga residente na wala silang malilipatan at hindi sila naabisuhan tungkol sa demolisyon.

Batay sa ulat, ang utos para sa demolisyon ay unang inilabas noong Oktubre 2024, at ang pinal na kautusan ay ibinaba noong Pebrero 2025, matapos ang halos apat na taon ng paglilitis.

Samantala inaasahan ang gagawing dayalogo sa pagitan ng mga awtoridad at residente upang mapayapa at maayos na maipatupad ang writ of execution sa lugar.