cropped House of Representative kamara 4
-- Advertisements --

Nananawagan si Negros Occidental Rep. Ma. Lourdes Arroyo sa Kamara na imbestigahan ang mga hakbang na ipinatutupad ng ilang lokal na pamahalaan hinggil sa land grabbing.

Sa kanyang inihaing House Resolution 1653, ipinasisilip ni Arroyo sa House Committee on Local Government ang modus na kinasasangkutan ng ilang opisyal ng Municipal o City Treasurer’s Office kung saan pinalalabas ng mga ito na sila ay nagbigay ng notice of tax delinquency, foreclosures, at tax delinquency sales sa mga may-ari ng lupa kahit wala naman talagang naibigay na notices ang mga ito.

Dahil dito, ang nangyayari sa ngayon ay nawawala sa may-ari ang lupain nito dahil sa umano’y hindi pagbabayad ng local real property taxes.

Iniaalok din sa aniya’y “dishonest bidders” ang mga lupain na ito, kung saan kasabwat ang mga korap na opisyal upang sa gayon ay mapanatiling mababa ang presyo kumpara sa market value talaga nito.

Iginiit ni Arroyo na marami na ang nabiktima nang modus na ito sa mga lungsod at munisipalidad katulad na lamang ng Muntinlupa, Quezon City, at Caloocan.

-- Advertisement --