-- Advertisements --

ILOILO CITY – Limang araw nang hindi pinapayagan ng Philippine Coast Guard (PCG) na lumayag ang pump boat mula Iloilo-Guimaras vice versa.

Ito ay kasunod ng pagtaob ng tatlong bangka sa Iloilo Strait kung saan 31 katao ang patay.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Senior Chief Petty Officer Albino Rodriguez, deputy station commander ng PCG-Iloilo, sinabi nito na iniiwasan nilang maulit pa ang trahedya sa Iloilo Strait.

Ayon kay Rodriguez, hangga’t hindi inaalis ng PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) ang gale warning, hindi nila papayagan na lumayag ang mga maliliit na bangka kagaya ng pump boat.

Sa ngayon, ang pinapayagan lang na lumayag ay ang mga Roll On-Roll Off vessel.

Samantala ayon naman kay Wilson Pelopero, crew ng isang pump boat via Iloilo Guimaras vice versa, inamin nito na nalulugi na sila.

Ngunit naiintindihan naman aniya nila ang PCG sa pagpigil sa kanila na maglayag upang hindi malagay sa alanganin ang buhay nila ang ng mga pasahero.