CAGAYAN DE ORO CITY – Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang nangyaring pagpapasabog sa police station ng Quezon, Bukidnon, kagabi.

Sinabi ni Quezon Municipal Police Station commander Major Mitchel Clemencio na may itinapong hindi pa matukoy na pampasabog sa bubong ng kanilang istasyon.

Ayon kay Clemencio, wala namang namatay o nasugatan sa pagsabog maliban na lamang sa pagkasira ng sasakyan ng kanilang deputy na nakaparada malapit sa lugar.

Sa ngayon ay inaalam kung sino ang mga responsable at kung ano ang motibo sa pagpapasabog dahil wala silang natanggap na banta.

Aminado ang police official na may mga rebelde sa kanilang area of responsibility ngunit naging maingat ito sa pagbanggit sa mga posibleng may kagagawan ng pagpapasabog hangga’t hindi pa tapos ang imbestigasyon.