Isinailalim na sa quarantine ang mga pulis at iba pang nagkaroon ng close contact sa dalawang tumakas sa Delpan Quarantine Facility sa Tondo, Maynila.
Ayon kay Manila Police District (MPD) Chief Rolando Miranda, bagama’t kabawasan ito sa kanilang pwersa, minabuti nilang gawin ang hakbang para na rin sa kaligtasan ng mga ito at ng iba pang tauhan sa MPD.
Nabatid na ang mga tumakas sa quarantine ay mga bilanggo sa Sta. Ana police detention facility.
Kinilala ang mga ito na sina Cesar Adriatico na may kasong ukol sa iligal na droga at Jeric Saballon na nahaharap naman sa child abuse case.
Dahil sa pagpuslit sa quarantine center, maaaaring madagdagan ang kasong kinakaharap ng mga ito.
Maging ang iba pang na-expose sa dalawang inmate, kasama na ang kanilang kaanak ay kailangan na ring bantayan dahil sa posibilidad na nahawa na rin ang mga ito.