Pinaalalahanan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr. ang mga local chief executive sa Cagayan Valley at mga lugar na apektado ng Bagyong “Goring” na isagawa ang mga kinakailangang aksyon alinsunod sa manual sa paghahanda sa kalamidad na “Operation Listo” ng departamento.
Inatasan din niya ang DILG Region 2 Office na i-activate ang Emergency Operations Center (EOC) at Disaster Online Reporting and Monitoring System (DORMS) para matiyak ang pagsunod ng mga local government units (LGUs) sa kanilang nasasakupan sa Operation L!STO Disaster protocols.
Sa isang memorandum sa mga kinauukulang LGU, hinimok ito ng DILG na ipatawag ang kanilang local disaster risk reduction and management councils (DRRMCs); magsagawa ng pre-disaster risk assessment para sa mga baha at iba pang mga panganib; isaaktibo ang kanilang barangay DRRMCs para sa maagang babala at pagsubaybay sa mga landslide zone; gayundin na iassess ang integridad ng istruktura ng mga evacuation area.
Hiniling din ng DILG sa mga LGU na patuloy na ipaalam at payuhan ang mga apektadong komunidad ng mga update sa sitwasyon at paigtingin ang paggamit ng mga social media platform para sa pampublikong impormasyon, bukod sa iba pa.
Kasabay nito, hinimok ng DILG ang mga apektadong LGU na subaybayan at isagawa ang mga kinakailangang kritikal na aksyon sa paghahanda sa 1,481 barangay mula sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula , ang mga lugar na tinukoy ng Mines and Geosciences Bureau na mayhigh to very high susceptibility sa baha at pagguho ng lupa na dulot ng walang humpay na buhos ng ulan.