-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Walang dapat na ikakabahala ang mga Pinoy dito sa ating bansa na may kaanak sa Thailand matapos magpalabas ng emergency decree ang kanilang pamahalaan upang i-ban na ang mga protesta.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan kay professor Boyet Villanueva na 15 taon ng nagtuturo ng Mathematics sa capital Bangkok, inihayag nitong nmapayapa lamang ang porotestang pinangungunahan ng mga estudyante mula sa iba’t ibang unibersidad na ngayo’y magtatatlong buwan na.

Tanging nais lamang umano ng mga raliyesta na patalsikin ang kanilang primero ministro at amiyendahan ang konstitusyon upang mas maranasan ng kabataan at sa darating pang mga henerasyon ang totoong kalayaan.

Wala rin umanong dapat na ikakabahala sa pagtitipon ng mga demonstrador dahil hindi na gaanong problema sa naturang bansa ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos ang matagumpay na pagsawata ng pamahalaan nito.

Ito lalo na’t nito pang Hulyo 1 nang i-adapt na nila ang face-to-face classes maliban lamang sa mga pampublikong lugar gaya ng mga malls kungsaan kailangan nilang magsuot ng face mask.