-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Mas palalakasin ang programa sa mental health ng ilang kolehiyo sa Santiago City upang matulungan ang mga estudyanteng nakararanas ng stress at depression.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Noriel Caillian, guidance counsellor ng Northeastern College, sinabi niyang pinalakas nila ang mga programa nilang makatutulong sa pag-iisip ng mga estudyante.

Isa sa inilaan nilang programa ay ang paghikayat sa mga mag-aaral na makipag-usap pisikal man o online.

Upang magawa ito ay mayroon silang inilaan na mga hotline kung saan puwedeng tumawag ang mga estudyante sa kanila ano mang oras upang maglabas ng saloobin.

Nagsanay din sila ng mga estudyante sa tamang counselling sa kanilang mga kapwa estudyanteng nakarararanas ng depresyon.

Batay sa kanilang obserbasyon ay mas gumagaan ang pakiramdam ng estudyante kung kagaya nilang mag-aaral ang kanilang nakakausap.

Sinimulan ng eskwelahan ang programa matapos makita na karamihan sa mga nagda-dropped at bumabagsak na estudyante ay nakakaramdam ng matinding kalungkutan o kawalan ng gana.

Nakakalungkot ito lalo na at maraming estudyante ang may potensiyal at kakayahang makapagtapos ngunit bumabagsak o di kaya ay lumiliban dahil sa nararanasan nilang mental health problem.

Nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa mga kabataan na nakakaranas ng depresyon na huwag silang matakot na lumapit sa mga mental health professionals upang matugunan ang kanilang problema.

Mahirap aniya sa isang estudyante ang mag-aral ng kolehiyo at hangad ng kanilang programa na ipadama na hindi sila nag-iisa sa pagtupad ng kanilang mga pangarap.