-- Advertisements --

Nanawagan ang Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPI) ng maayos na istruktura sa loob ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), gayundin ang madaling transaksyon ng mga claim sa loob ng insurance provider, sa ilalim ng papasok na administrasyong Marcos.

Ayon kay PHAPI President Dr. Rene Jose de Grano kung maaayos ang organisasyon ng PhilHealth nang sa gano’n ay makaayon sa mga hinihiling ng pribadong ospital, kahit siguro government hospital, ay magandang maisakatuparan ang healthcare system at magiging maganda para sa susunod na anim na taon.

Idinagdag ni De Grano na ang maayos na transaksyon sa loob ng PhilHealth sa ilalim ng bagong administrasyon ay magdudulot ng epektibong pagpapatupad ng Universal Health Care law.

Ang PhilHealth, sa simula ng taon, ay nakatuon sa pag-aayos ng mahigit P25 bilyong halaga ng mga claim mula sa mga pribadong ospital sa loob ng unang kalahati ng 2022.

Sa pagdinig ng House Committee on Health, sinabi ni PhilHealth President Dante Gierran na pinoproseso na ng state health insurer ang P25.45 bilyon ng mga bayad sa mga ospital sa pamamagitan ng Debit-Credit Payment Method nito.

Samantala, tiniyak naman ng state health insurer sa mga miyembro nito na ang kanilang mga kontribusyon ay gagamitin para tulungan ang mga Pilipino na mapagaan ang pasanin ng pagpapaospital at palawakin ang iba pang benepisyo sa gitna ng napipintong pagtaas ng buwanang premium rate sa susunod na buwan at ang retroactive effect nito mula sa simula ng taon.