Umabot na umano sa mahigit 1,000 ang bilang ng mga preso sa male dormitory ng Manila City Jail ang tinamaan ng sakit na pulmonary tuberculosis (TB).
Ayon kay Bureau of Jail Management National Capital Region (BJMP-NCR) spokesperson Midzfar Oman, kasalukuyan nang naka-isolate sa kani-kanilang pasilidad ang naturang mga bilanggo na tinamaan nang nasabing sakit.
Habang nasa 200 mga persons deprived of liberty (PDLs) naman ang naghihintay ng resulta ng kanilang confirmatory tests.
Bukod dito ay ipinahayag din ng pamunuan ng BJMP-NCR na daan-daang mga bilanggo rin ang kanilang ini-isolate dahil sa hinihinalang kinapitan din ang mga ito ng pulmonary tuberculosis.
Samantala, una rito ay iniulat naman ni Bureau of Corrections spokesperson Gabriel Chaclag na nasa 200 mga kaso ng TB naman ang kanilang naitala sa loob ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Wala pa naman aniya silang naitatalang outbreak nito sa national penitentiary at tiniyak na patuloy nilang tinututukan ang kondisyon ng lahat ng mga pasyente lalo na ngayong nasa gitna ng pandemya ang bansa.