-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Pinag-iingat ang mga Pinoy sa Israel kasunod ng naganap na pambobomba mula sa Gaza Strip.

Sinabi ni Bombo international news correspondent Jenny Cortez na pinaalalahanan na ng embahada ng Pilipinas sa Israel ang lahat ng OFWs na mag-ingat habang nagbigay na rin ng mga emergency number na puwede nilang kontakin.

Aniya, ang Tel Aviv ang pangunahing puntirya ng mga terorista at nandoon ang pinakamaraming bilang ng mga Pilipino sa naturang bansa.

Nagkakaroon naman sila ng ugnayan at wala naman umanong nasaktan sa mga Pilipino sa naturang lugar.

Ang pamahalaan ng Israel ay nagpadala na rin ng mga dokumento kung saan nakasulat ang lahat ng puwedeng gawin ng mga tao kapag may narinig silang alarma.

Sa ngayon ay bahagyang humupa na ang pagpapalipad ng rockets ng kalaban ng Israel subalit patuloy pa rin ang pagpapalipad sa timog na bahagi ng naturang bansa.

Nagsimula aniya ang tensyong ito nang mapatay ng Israeli Army ang lider ng Islamic Jihad kaya naging agresibo ang mga terorista at nagpalipad na sila ng maraming rockets.

Na-intercept naman ito lahat ng Iron Dome ng Israel at walang bumagsak kaya walang casualty.

Gayunman ang mga Israelis ay nakatira ngayon sa kanilang mga bomb shelter dahil karaniwan ay sa gabi umaatake ang mga terorista.