-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Tila hindi pa rin lubusang nakalaya mula sa mga kamay ng military forces si Sudan Prime Minister Abdalla Hamdok matapos na palibutan ng maraming guwardya ang kanyang bahay kasunod sa pagpalaya sa kanya.

Ayon kay Bombo International Correspondent Atty. Christina Balog-Ang ng Khartoum, Sudan, nananatiling nakakulong si PM Hamdok sa mismong pamamahay nito kasama ang kanyang kabiyak at hindi pa rin naibalik sa kaniya ang kapangyarihan sa pamumuno ng bansa.

Sa kabila ng kaliwa’t-kanang protesta ay nananatiling ligtas ang mga Pinoy na kasalukuyang nagtatrabaho at naninirahan sa nasabing bansa.

Pinayuhan rin umano ang mga ito na manatili muna sa loob ng bahay hanggang hindi pa humuhupa ang tensyon.

Samantala, puspusan na ang pag-iimbak ng mga pagkain ng mamamayan ng Sudan kabilang na dito ang mga Pinoy kasunod sa pagsarado ng ilang daan papunta sa mga essential establishment.