-- Advertisements --

Pinatitingnan ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) ang sitwasyon ng mga overseas Filipino workers (OFW) sa New Zealand para maiwasang maulit ang naranasan ng mahigit 10,000 Pinoy sa Saudi Arabia na nawalan ng trabaho noong 2015 at hindi pa rin natatanggap ang kanilang back wages at iba pang mga benepisyo hanggang sa ngayon.

Nanawagan din si Villanueva sa mga ahensya na siguruhing mababayaran ng back pay at iba pang benepisyo ang mga OFW na nawalan ng trabaho sa New Zealand.

“Having no job in a foreign country is a nightmare for our kababayan OFWs. For them, it’s no work, no pay. And without pay, how will they survive?” pahayag ni Villanueva, may akda ng DMW Act.

Mahigit 700 manggagawang Pinoy ang nawalan ng trabaho sa NZ nang magsara ang ELE, isang skilled labor agency sa construction at manufacturing sector, apat na raw bago mag-Pasko.

Bagama’t nangako ang kumpanya na mababayaran ang mga OFW, hindi naman sila nagbigay ng tiyak na petsa kung kailan nila ito maibibigay.

Nababahala rin ang senador na bagama’t valid ang mga visa ng mga OFW para sa tatlong taon, hindi naman sila pinapayagang mag-switch o lumipat sa ibang trabaho.

Sapul noong huling linggo ng Disyembre, kanya-kanyang diskarte na lang ang mga naapektuhang OFW para mabuhay sa tulong na rin ng mga kapwa Pinoy doon.

“We know this is not sustainable. One of these days they will run out of food and other supplies. Worse, they have families in the Philippines who are worried and yet, in need of support as well,” sabi pa ni Villanueva.

Samantala, nanawagan din si Villaneuva sa DFA at DMW na maging proactive sa pagsubaybay sa sitwasyon ng mga OFW sa Port Moresby sa Papua New Guinea, kasunod nang karahasan doon.