Naniniwala ang Philippine Statistics Authority (PSA) na dahil sa Alert Level System (ALS) ay mas marami nang nagkaroon ng trabahong mga Pinoy matapos tamaan ng pandemic ang bansa.
Ayon sa PSA, ito ay matapos mag-settle ang unemployment sa bansa sa 6.4 percent sa buwan ng Pebrero.
Pero ang bilang naman ng mga jobless Filipinos noong buwan ng Pebrero ay pumalo na sa 3.13 million na mas mataas sa 2.93 million na naitala noong Enero.
Sa kabila nito, ipinaliwanag ng PSA na ang unemployment rate noong Pebrero ay mas mababa sa 8.8 percent o 4.9 million unemployed na mga Pinoy noong Pebrero 2021.
Ang pagbaba naman daw ng unemployment ay dahil sa epektibong pagpapatupad ng alert level system ayon kay Communications Secretary Martin Andanar.
Ipinagmalaki rin ni Andanar na ang kasalukuyang employment situation sa bansa ay nagpapatunay lamang umanong epektibo ang pandemic response ng kasalukuyang administrasyon.
Pero sa kabila nito, kailangan pa rin daw pag-igihan ng pamahalaan ang kanilang effort para makahanap na ng trabaho ang mga unemployed.
Dagdag ni Andanar ang pagpapatupad daw ng Alert Level 1 sa ilang bahagi ng bansa ay magiging daan para sa pagbubukas nang mas maraming trabaho.
Kung maalala, ang Metro Manila maging ng 56 na iba pang siyudad at probinsiya at 100 component cities at municipalities ay nasa ilalim na ng Alert Level 1 simula ngayong buwan ng Abril.
Ang nalalabing bahagi naman ng bansa ay nasa ilalim na rin ng ALert Level 2.