Naniniwala ang Department of Health (DOH) na mahalaga pa rin ang mga ipinatutupad na health protocols sa bansa para protektahan ang publiko.
Ito ay sa kabila ng mga ulat na nagsasabing maaaring mailipat sa pamamagitan ng hangin ang severe acute respiratory syndrome coronavirus 2.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, inaaral na ng ahensya ang mga ebidensya na nagpapatunay umano sa nasabing paksa.
Ayon naman kay WHO Representative Dr. Rabindra Abeyasinghe na tinitingnan na rin nila ang naturang konklusyon at kinikilala na hindi ito magsisilbing malaking risk factor.
Paulit-ulit aniya nilang pinapaalala na ang maaaring ma-kontrol ang aerosols sa pamamagitan ng pagsusuot ng face masks. Hangga’t wala pa raw malinaw na impact analysis kung gaano kalala ang epekto sa ng aerosol at airborne transmission ay mananatili pa ring focus ng WHO na maiwasan ang transmission sa pamamagitan ng pagsusuot ng face masks at paghuhugas ng kamay.
Dagdag pa nito na malinaw ang naging rekomendasyon ng WHO na mataas ang tsansa ng airborne transmission sa mga lugar na nagsasagawa ng medical procedures.
Samantala, sinabi rin ng WHO official na ang COVID-19 variant na na-detect sa Pilipinas (P.3) ay hindi raw nagpapakita ng pagtaas sa transmissibility.
Inaaral pa aniya ng ahensya ang mga datos na kanilang nalikom pero hindi pa nito masabi ang potensyal ng nasabing variant.