Inanunsyo ngayong araw ng Embahada ng Pilipinas sa Egypt na nasa kabuuang 98 Pilipino na ang ligtas na nakaalis mula sa Gaza strip na punterya ng pambobomba sa gitna ng nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Israeli forces at militanteng Hamas.
Ito ay matapos na ligtas na makatawid sa Rafah border ang ikatlong batch na binubuo ng 14 na Pilipino at kasalukuyang nakapasok na sa teritoryo ng Egypt kahapon, Nobyembre 10.
Ayon kay PH Ambassador to Egypt Ezzedin Tago, kasama ng 14 na Pilipino ang kanilang pamilyang Palestinian national at mainit na tinanggap ng mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Egypt sa pangunguna ni Vice Consul Bojer Capati.
Ang ikatlong batch na ito ng Filipino repatriates ay babiyahe patungong Cairo at tutulungan sila ng panibagong team ng PH Embassy sa Cairo para sa kanilang matutuluyan at magaasikaso sa kanilang flights pauwi ng Pilipinas.
Nitong Biyernes, nakauwi na sa bansa ang nasa 34 na Pilipino kasama isang Palestinian national.