BOMBO DAGUPAN -Hindi pa rin naaalis ang takot ng mga Filipino na naninirahan at nagtatrabaho sa Israel bunsod ng nagpapatuloy na giyera.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Virgelyn Mendigoria, Bombo International News Correspondent sa bansang Israel, sinabi nito na wala silang ibang magawa kundi ang magmasid sa nangyayaring kaguluhan sa labas ng kanilang mga tahanan.
Aniya na nilalakasan nito ang kanyang loob na lumabas upang makabili lamang ng kanilang mga pangangailangan, subalit halos wala na rin silang mabiling mga pagkain dahil nagpa-panic buying na ang mga residente.
Bagamat hindi gaanong apektado sa Jerusalem at may umiikot na rin na mga sundalo, binanggit ni Mendigoria na may ilan na ring mga Pilipino ang nagnanais na magpasaklolo sa Embahada na makauwi sa Pilipinas.
Samantala, ibinahagi naman ni Olivia Monana Dulay na nanginginig pa rin ito sa takot dahil sa ginagawang pangho-hostage at pamamaslang ng mga terorista ng lahat ng nakikita nila sa daan.
Saad pa ni Dulay na nagpapanik sila sa tuwing tumutunog ang sirena dahil kasunod nito ang pagbaksak ng mga bomba at walang anumang bomb shelter na maaari nilang maging proteksyon sa kanilang lugar.