Pinayuhan ng Philippine Embassy sa Baghdad ang mga Pilipino na iwasan ang hindi kinakailangang paglalakbay patungong Iraq dahil sa umiiral na tensyon at hindi matatag na seguridad sa rehiyon.
Dagdag pa rito, pinaalalahanan ang mga Pilipinong nasa Iraq na umiwas sa matataong lugar, maging maingat, manatiling alerto, at laging updated sa mga kaganapan.
Sa kasalukuyan, nasa Alert Level 3 pa rin ang Iraq, na nangangahulugang may umiiral na violent disturbances o panlabas na banta sa ilang partikular na lugar sa bansa.
Ipinahayag ang babala isang araw matapos utusan ng US Department of State ang agarang pag-alis ng mga non-emergency personnel ng pamahalaang Amerikano mula sa Iraq. Bagamat walang tiyak na dahilan na ibinigay, binanggit sa anunsyo ang ‘heightened regional tensions.’
Ayon sa ulat, sinabihan umano ang mga opisyal ng Estados Unidos na handa na ang Israel na magsagawa ng opensiba laban sa Iran.
Nagbabala naman ang Iran na matapang nitong tatargetin ang mga base-militar ng US na abot ng kanilang armas sakaling may kaguluhang ipataw sa Tehran.
Ang mga pangyayaring ito ay nagaganap ilang araw bago ang inaasahang US-Iran talks sa Oman sa Hunyo 15, na layong bumuo ng panibagong kasunduan ukol sa nuclear program ng Iran.