ILOILO CITY – Mahigpit na ang seguridad na ipinapatupad sa St. Paul’s Hospital of Iloilo Incorporated matapos nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang anim nilang doktor.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Atty. Roy Villa, tagapagsalita ng Regional Interagency Task Force for COVID-19, sinabi nito na ipinatupad na ang lockdown matapos nagmungkahi ang Department of Health-Region 6 na huwag pahintulutang maglabas-pasok ang mga nasa loob ng ospital.
Sa ngayon, sarado na ang operating rooms, Emergency Room at Out Patient Department ng St. Paul’s Hospital of Iloilo.
Nakatakda namang isailalim sa Reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test ang lahat ng mga staff ng ospital.
Ayon kay Villa, may pasyente mula Capiz na na-admit sa nasabing ospital na nagpositibo sa rapid test ngunit nagnegatibo sa RT-PCR test at naka-close contact ng mga doktor.
Ayon kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, nakigpag-ugyanan na siya sa pamunuan ng ospital kasama ang Regional Inter-agency Task Force upang mapabilis ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga COVID+ doctors doon.
Napag-alaman na umaabot na sa 274 ang naitalang kaso ng COVID-19 sa Western Visayas matapos madagdagan ng 26 kung saan anim sa mga ito ang doktor.