Maaaring maka-avail ng benepisyo sa Philhealth ang mga pasyenteng nagkasakit ng nakakahawang Pertussis na na-admit sa ospital.
Ayon kay Dr. Clementine Bautista, acting senior vice president at lead head ng PhilHealth UHC Surge Team, saklaw din ng Konsulta package ang ilang antibiotics para gamutin ang pertussis.
Ang Konsulta package ay isang primary healthcare program ng PhilHealth na nag-aalok ng mga konsultasyon, pagsusuri sa laboratoryo, at mga gamot.
Bukod dito kung ma-admit ang pasyente na mayroong pertussis sa ospital, may coverage din ang PhilHealth na nasa tinatayang P13,000 hanggang P16,000.
Kung mag-develop naman ang pneumonia dahil sa pertussis maaari aniyang maka-avail ng hanggang P90,000 sa PhilHealth.
Kung matatandaan, nakapagtala na ang bansa ng kabuuang 862 kaso ng pertussis mula Enero hanggang Marso 23 ng kasalukuyang taon habang 49 pasyente naman ang nasawi base sa datos ng Department of Health.