-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Dumagsa ang bilang ng mga pasahero sa Cauayan Airport ngayong Semana Santa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Noraleen Lannu, hepe ng Cauayan Airport Police Station, sinabi niya na noong nakaraang linggo pa nagsimulang dumami ang mga pasahero.

Sa araw-araw ay nasa 10 flights at nasa 70 mga pasahero ang bilang ng mga pumapasok at palabas sa naturang paliparan.

Inaasahan naman na matatapos ang pagdagsa ng mga biyahero matapos ang Holyweek.

Wala pa ring binago sa ipinapatupad na health protocols dahil kailangan pa rin na may maipakita ang nga mananakay na vaccination card.

Ayon pa kay PCapt. Lannu, dahil sa pagdami ng mga pasahero ay naglatag sila ng Police Assistance desk para sa “Ligtas Sumvac 2023” na nagbibigay ng gabay sa mga pasahero.

May inilagay na Police Assistance desk sa arrival at departure areas na tumutulong sa mga pasahero.

Ibinabahagi rin nila sa mga biyahero ang mga travel safety tips tulad ng maagang pagtungo sa paliparan upang maiwasan ang pagkaantala ng flight, huwag kalimutan ang ticket, iwasang magsuot ng mga mamahaling alahas para makaiwas sa mga mandurukot at pagtuunan ng pansin ang kanilang mga bagahe.

Maging mapagmatyag din at maging alerto habang bumibiyahe.

Iwasan din na i-post sa social media ang pag-aalis sa mga bahay upang hindi malaman ng mga kawatan at maiwasan na pasukin at pagnakawan ang kanilang tahanan habang sila ay nagbabakasyon.