-- Advertisements --

Nagsimula nang lumisan ang mga pasaherong nag-negatibo sa COVID-19 na lulan ng Diamond Princess cruise ship sa Japan matapos silang isailalim sa 14-days quarantine.

Ito ay matapos siguraduhin ng Japanese government sa publiko na ginawa nito ang lahat ng kanilang makakaya upang hindi na tuluyan pang kumalat ang sakit mula sa cruise ship.

Unang umalis ng barko ang mga matatandang pasahero.

Gayunpaman, sasailalim pa rin ang mga pasaherong ito sa isa pang two-weeks quarantine sa oras na makabalik sila sa kani-kanilang mga bansa.

Nakatakda ring umalis ang mga natitirang 500 pasahero sa barko hanggang Biyernes.

Ayon Princess Cruises company, magtutungo sa Japan ang presidente ng kumpanya kasama ang ilan pang matataas na opisyal upang tumulong sa disembarkation process.

Nakahanda ring i-refund ng kumpanya ang lahat ng ginastos o gagastusin ng kanilang mga pasahero maging ang transportation costs nito.

Noong Pebrero 5 pa nang i-quarantine ang Diamond Princess cruise ship na may sakay na 3,700 pasahero at crew members.

Sinabi rin ng Japan health ministry na kukunin nila ang contact information ng mga pasaherong nag-negatibo sa sakit para bigyan ang mga ito ng instruction kung ano ang dapat gawin kung sakali man na biglang sumama ang kanilang pakiramdam.