Target ngayon ng Police Regional Office-7 na walang maitatalang insidente ng krimen sa Central Visayas sa panahon ng Semana Santa.
Ginawa ni PRO-7 Director PBGen Anthony Aberin ang pahayag kasabay ng kanyang personal na pag-inspeksyon sa mga terminal, seaports at airports ng Cebu.
Sinabi pa ni Aberin na mahalaga ang presensya ng pulisya sa mga lugar na ito upang may malapitan ang publiko at maiwasan ang mga mapagsamantala o mga nagbabalak ng masama gaya ng mga mandurukot at iba pa.
Dagdag pa nito na wala pa naman silang natatanggap na mga banta sa seguridad, gayunpaman, laging handa pa ang kanilang mga tauhan upang maiwasan ang mga di inaasahang pangyayari.
Ibinunyag pa nito na kung may mga adjustment man sa kanilang nasasakupan, yun ay dadagdagan lang umano ang mga ipapakalat sa mga matataong lugar gaya ng terminals, seaports at airport.
Payo pa nito sa publiko na siguraduhin na nakakandado ang mga bahay at pinaalalahanan ang mga bibiyahe na iwasang magdala ng mga kontrabando upang makaiwas sa abala.
Samantala, nag simula na ngayong bumuhos ang daan-daang mga pasahero sa iba’t ibang daungan at terminals dito para umuwi at magbakasyon sa kani-kanilang mga probinsya.