Nararamdaman na umano ang resulta ng mga inisyatiba at pagbabagong nagawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa sektor ng pagsasaka sa loob ng kanyang pag-upo bilang kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka at bilang pangulo ng bansa.
Inihalimbawa ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga nagawa ng pangulo upang palakasin ang industriya ng bigas sa bansa.
Ayon sa kalihim, nagawa ni Pang. Marcos na palakasin ang produksyon ng lokal na palay sa buong bansa.
Ito ay sa pamamagitan ng umano’y paglabas ng pangulo ng mga direktibang pabor sa mga magsasaka at kontra sa importasyon.
Kasama dito ang pag-utos ni PBBM na bigyan ang mga magsasaka ng libreng binhi, libreng pataba, pinansyal, at teknikal na suporta.
Tinukoy pa ng kalihim ang naunang inaprubahan ng National Food Authority (NFA) council na pagtaas sa presyuhan ng palay mula sa dating buying price na sinusunod ng National Food Authority.
Sa kabila ng mas mataas na buying price, mababa pa rin aniya ang presyo ng bigas sa mga merkado.
Ayon sa kalihim, ramdam na ang pro-farmer policies ni PBBM para sa mga magsasaka ng bansa na tiyak aniyang magtutuloy-tuloy sa mga susunod na taon.