-- Advertisements --

Iginiit ni Senator Erwin Tulfo na dapat panagutin ang mga gun owner na pabayang hinahayaan na madaling maabot ng mga bata ang kanilang armas, matapos na makumpiska ang isang baril sa bag ng isang Grade-9 na estudyante sa Cebu, at ang baril ay pagmamay-ari ng lolo ng nasabing estudyante. 

Ito ay naganap ilang-araw lamang ang lumipas matapos ang panibagong school shooting incident sa Ateno de Zamboanga University kung saan nasawi ang dalawang estudyante at siyam naman ang naging sugatan. 

Ayon kay Tulfo, kasalukuyan nang inihahanda ng kaniyang opisina ang panukalang batas na naglalayong mapatawan ng pananagutang kriminal ang mga pabayang may-ari ng baril na nagagamit sa karahasan. 

Binigyang-diin ng senador ang pangangailangan ng magkaroon ng matibay na batas sa sistema sa pagmamay-ari ng baril upang hindi na maulit pa ang mga insidente sa loob ng eskwelahan. 

Iginiit ni Tulfo na malinaw ang layunin ng panukala na tiyaking wala ng bata ang makakakuha ng armas. 

Kasabay nito ang panawagan ng senador sa mga magulang na maglaan ng oras para kausapin ang kanilang mga anak at huwag lamang umano umaasa sa teknolohiya para alamin ang kanilang mga pinagdadaanan. 

Binigyang-diin ni Tulfo na walang batang na likas na marahas at maaring may iba’t-ibang salik ang natutulak sa isang bata na gumawa ng maharas na gawain kaya’t hinimok niya ang mga magulang na regular na kausapin ang mga anak upang masigurong na gagabayan ang mga ito ng maayos.