Hindi inalintana ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang ikinasang tigil-pasada ng grupong MANIBELA ngayong araw.
Ito ay matapos na ipahayag ng naturang pamahalaang lungsod na walang ipapatupad na suspensyon ng face-to-face classes sa lahat ng antas ng mga pampublikong paaralan nito ngayong araw sa kabila ng posibleng epektong dulot ng naturang transport strike.
Ngunit gayunpaman ay nilinaw ng Manila LGU na sa kabila nito ay nakapende naman sa mga pamunuan ng mga pribadong paaralan sa lungsod kung kakanselahin ba nito ang kanilang mga klase.
Batay sa pinakahuling monitoring ng Manila Traffic and Parking Bureau, karamihan sa mga transport group ay patuloy na nag-ooperate noong Lunes batay sa monitoring ng Manila Traffic and Parking Bureau.
Kung maaalala, una nang sinabi ng pamahalaang lungsod na handa sila sa posibleng maging epekto ng naturang kilos protesta ng ilang grupo ng mga tsuper at operator.
Kaalinsabay nito ay nagpakalat na rin ito ng libreng sakay sa ilang mga ruta para umalalay sa mga maaapektuhang mga pasahero kung saan nasa 20 e-tricycle, tatlong SUV mula sa Manila Disaster Risk Reduction Management Office, dalawang transporter at 16 na patrol vehicles mula sa Manila Police District ang idineploy.