-- Advertisements --

Susubukan nang i-clear ng mga search, rescue, and retrieval team ang landslide site sa Masara, Maco, Davao de Oro.

Ito ay makaraang wala nang narekober pang mga bangkay ang mga otoridad mula sa trahedya ng pagguho ng lupa sa nasabing lugar.

Ayon kay Mawab Municipal Information Officer Jiesyl May Tan, sa lalong madaling panahon ay inaasahang matatapos na ang ginagawang operasuon ng mga kinauukulan sa lugar ng landslide.

Ngunit nakadepende pa rin aniya ito sa magiging rekomendasyon ng mga incident commanders ng Incident Management Team.

Sa ngayon kasi ay mayroon pa ring walong indibidwal ang nananatiling nawawala.

Pero ayon naman kay Tan, posibleng kabilang na aniya ang walong mga nawawala sa 14 na mga unidentified bodies at body parts na kanilang narekober.

Kung maaalala, kamakailan lang ay iniulat ng mga otoridad na pumalo na sa 93 ang bilang ng mga bangkay na kanilang narekober sa landslide sight, kung saan 79 sa mga ito ay naibalik na sa kanilang mga pamilya.