Lumubo ang halaga ng yaman o net worth ni VP Sara Duterte sa loob ng kaniyang paninilbihan sa gobiyerno, salig sa nilalaman ng kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth.
Lumalabas na umabot na sa mahigit P98.7-M ang net worth ni VP Sara nitong 2025.
Ito ay mahigit P91 million na mas mataas kumpara sa P7.2 million na kaniyang kayamanan noong 2007.
Kinumpirma naman ni Office of the Ombudsman Records Division OIC Atty. Karen Batu na tugma ang naturang datus, batay sa hawak ng Tanodbayan na kopya ng SALN ng pangalawang pangulo.
Kasama sa mga ipinakita ang SALN ni Duterte simula nang maupo siya bilang Bise mula 2022 hanggang sa kasalukuyan.
Kabilang dito ang pagdoble ng kayamanan ni VP Sara sa loob ng isang taon mula noong 2007 kung saan mahigit P7.2 million ang kaniyang networth at naging P18.49 million na noong 2008.
Tuloy-tuloy itong umakyat sa pag-usad ng taon hanggang sa lumubo na ng husto pagsapit ng 2016 mula sa dating P7.2 million patungo sa mahigit P34.89 million.
















