BAGUIO CITY – Pinag-iingat at pina-iiwas ng Philippine Embassy sa Lebanon ang mga OFWs doon mula sa mga lugar kung saan isinasagawa ang mga kilos protesta.
Sa ulat ni Bombo International Correspondent Teressa Valdez, OFW sa Beirut, Lebanon, mas lumalala na ang nangyayaring kaguluhan doon dahil sa patuloy na kilos protesta sa kabila ng krisis na dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Pangunahin aniyang pinupuna ng mga protesters ang patuloy na pagtaas ng halaga ng dolyar kontra sa Lebanese Lira.
Dahil sa mahinang halaga ng Lira ay mas lumala ang nararanasan doon na krisis.
Aniya, may mga bangko at automated teller machines (ATMs) na sinunog na ng mga protesters at sinisisi ng mga protesters ang mga bangko sa paghina ng halaga ng kanilang currency.
Dahil dito, apektado aniya ang mga mamamayan ng Lebanon, kasama na ang mga OFWs lalo na ang mga undocumented.
Problema nila ngayon ang pambili ng pagkain, pambayad ng renta at kahit may pera sila ay problema ang pag-withdraw dahil limitado ngayon doon.
Aniya, maraming mga OFWs na nawalan ng trabaho sa Lebanon matapos mawalan din ng trabaho ang kanilang mga employers dahil sa temporaryong pagsara ng kumpanya doon.