-- Advertisements --

Ramdam na ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang epekto ng ipinapatupad na economic sanctions ng iba’t ibang bansa laban sa Russia dahil sa pag-atake sa Ukraine

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag Alma Arcilla, OFW sa Russia na maging ang mga Pilipino sa Russia ay nagpanic din at pumila sa bangko para mag-withdraw ng pera .

Ito ay makaraang kumalat ang balita na hindi na maglalabas ng pera ang Bank of Russia.

Sa ngayon aniya ay hindi makakapagpadala ng pera ang mga OFW sa kanilang pamilya dito sa Pilipinas dahil pansamantalang kinansela ang international banking system sa nasabing bansa.

Inasahan na rin nilang magsara ang mga bangko sa Russia dahil sa pag-atake sa Ukraine kayat inabisuhan na rin nila ang kanilang pamilya sa Pilipinas.

Magpupulong ang Filipino Community sa Russia sa araw ng Linggo upang mapag-usapan ang kanilang suliranin sa ngayon.

Ayon kay Arcilla, pumipila ang mga OFW na mag-withdraw sa mga ATM booth ngunit nagkakaubusan na ng pera sa Machine at limitado rin ang maaring ma-withdraw.

Inaasahan din nilang maramdaman sa susunod na linggo ang ang epekto ng ipinapatupad na economic sanctions sa Russia ng mga bansang sumusuporta sa Ukraine.

Kapag magtutuluy-tuloy anya ito ay tiyak na babagsak ang ekonomiya ng Russia ngunit tiyak ding makakabangon dahil napaghandaan ito ng nasabing bansa.