-- Advertisements --

VIGAN CITY – Pinawi ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) ang pangamba ng ilan sa mga Pilipinong mayroong kamag-anak sa Lebanon hinggil sa lumalalang krisis at kaguluhan doon.

Sa ulat sa Bombo Radyo Vigan ni Bombo International Correspondent Fely Avelido, 47-anyos na taga-Vigan City ngunit 15 taon nang nagtatrabaho sa Lebanon, sinabi nito na maayos ang kanilang kalagayan at walang dapat ipag-alala sa kanilang seguridad.

Ito ay dahil normal pa rin ang kanilang pamumuhay sa kabila ng kaliwa’t kanang protesta at kaguluhan sapagkat hindi sila idinadamay ng mga nagpoprotesta.

Gayunman, nagpahayag na rin si Avelido ng kagustuhan nitong umuwi sa Pilipinas.

Maliban kasi aniya sa nagmahal na ang presyo ng mga pangunahing bilihin, wala na ring “dollar reserves” ang Lebanon at kung sakaling mayroon man, kailangan pang magpapalit sa mga “black market.”

Ang isang US dollar umano ay nagkakahalaga ng higit sa 1,500 na Lebanese lira o Lebanese pound.

Idinagdag nito na karamihan sa mga nakauwi na sa bansa na galing sa Lebanon ay mga senior citizen, mga OFW na may anak at mga “undocumented.”