Sinuspendi na ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mandatoryong pagkolekta ng insurance package para sa mga direct-hired at rehired land-based overseas filipino workers.
Ito ang kinumpirma ni Department of Migrant Workers Secretary Susan “Toots” V. Ople ngayong araw.
Sa ilalim kasi ng Expanded Compulsory Insurance Coverage para sa mga returning OFWs at direct hires ay subject sa Department Order No. 228, Series of 2021 na inisyu ng Department of Labor and Employment (DOLE) na isang protective insurance mechanism laban sa OFWs na dinapuan ng covid-19.
Subalit dahil sa gumagandang global health situation ng bansa at mataas na vaccination rates para sa mga OFWs, sinabi ni Ople na sinuspendi na ng POEA ang naturang direktiba mula sa DOLE.
Ayon kay Ople malaking ginhawa para sa ating kababayang OFWs ang suspensiyon ng mandatory insurance coverage na nagkakahalaga ng $35 (P1,700.00) at makakabawas din ito sa mga requirements na kailangang icomply ng mga OFW.
Una rito, nagpasya si Ople na suspendihin ang koleksyon ng insurance dahil sa kalituhan sa returning OFWs kung kailangan pa nilang ipagpatuoy ang pagbabayad ng expanded compulsary insurance sa kabila ng pagbaba ng kaso ng covid-19.
Paglilinaw naman ni Ople na applicable pa rin ang mandatory insurance coverage sa ilalim ng Expanded Compulsory Insurance Coverage para sa mga newly hired OFWs alinsunod sa batas.