Nilinaw ni Health Secretary Dr. Ted Herbosa na tanging ang mga nursing graduates na nakakuha ng markang 70% hanggang 74% sa board exam ang papayagan na makapagtrabaho sa mga pagamutan ng gobyerno kahit na hindi pumasa sa pagsusulit.
Ginawa ng kalihim ang naturang paglilinaw sa gitna ng kaniyang plano na mag-hire ng hindi lisensiyadong nursing graduates para magtrabaho sa gobyerno hangga’t maipasa nila ang board exam makalipas ang partikular na period.
Aniya, bilang isang propesor ang gradong 70 hanggang 74 ay maaari pang ipasa kapag nakikita nitong magaling sa recitation.
Ibinahagi din ng kalihim na sumang-ayon na din sa naturang panukala si Labor Secretary Bienvenido Laguesma at nangakong makikipag-ugnayan sa Professional Regulation Commission (PRC) para magbigay ng temporaryong lisensiya para sa mga kwalipikadong nursing graduates.
Una ng sinabi ni DOh chief Herbosa na sa oras na pumasa ang mga ito sa board exam, ang lisensiyadong nurse ay kailangang lumagda sa apat na taong return service agreement at magserbisyo sa government hospitals bago payagang makapagtrabaho sa ibang bansa.
Sakaling pahintulutang magtrabaho sa gobyerno, maaaring sumahod ng starting salary na pumapalo sa P35,000 hanggang P40,000 ang mga nursing graduate na inaasahang tataas pa base sa kanilang experience.