LEGAZPI CITY – Patuloy ang panawagan ng Legazpi City Veterinary Office sa mga negosyante at hog raisers na makipagtulungan sa kanilang kampanya laban sa African swine fever (ASF).

Ayon kay City Veterenarian Dr. Emmanuel Estipona sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang mga negosyanteng kanilang pinoprotektahan laban sa naturang sakit na tumatama sa mga baboy ang siyang unang lumalabag sa ipinapatupad na zoning ordinance.

-- Advertisement --

Paliwanag nito na patuloy kasi silang nakakakumpiska ng mga “misdeclared” poultry products na mula sa mga lalawigan na nasa red zone o yaong mga ipinagbabawal na makapasok sa Bicol dahil apektado ito ng ASF.

Kinakailangan aniyang makipagtulungan ng mga ito sa ahensya dahil sila rin ang maaapektuhan ang kabuhayan kung sakaling makapasok na ang sakit sa rehiyon lalo pa ang Bicol na lamang ang nananatiling ASF free sa Luzon.

Dagdag pa ni Estipona naa tila nababalewala ang kanilang “efforts” na protektahan ang pork industry dahil mismong ang mga negosyante ang naglalagay sa alanganin ng kanilang mga negosyo.

Ayon pa sa opisyal, malaking tulong sana kung sa local supply na lamang aasa dahil malaki rin ang demand ng karne sa Bicol lalo pa at dumarami ang mga lalawigan na infected ng ASF.