-- Advertisements --

KALIBO, Aklan —- Pawang nagmula sa lokal na partidong Tibyog Akean ang mga nanalong kandidato sa provincial level sa lalawigan ng Aklan sa katatapos na 2022 national and local elections.

Panalo sa halos lahat ng bayan ng Aklan maliban sa bayan ng Kalibo si Ibajay Mayor Jo-en Miraflores, anak ni incumbent Governor Florencio Miraflores sa pagiging gobernador laban sa mahigpit na karibal na si dating Kalibo Mayor William Lachica.

Kahit naghain ng kandidatura ang bagito sa politikang si Engr. Willie Tolentino at Rayam Torres, subalit ang labanan sa naturang posisyon ay nasa pagitan lamang nina Miraflores at Lachica.

Batay sa KBP at Bombo Radyo Quick count partial and unofficial result, humakot ng landslide victory si Miraflores na mayroong 196,390 votes, habang si Lachica ay nakakuha ng 111,833 na boto.

Sa vice gubernatorial post, panalo ang reelectionist na si Atty. Reynaldo Quimpo na may 143,443 votes laban kay Jonathan Cabrera na nakakuha ng 91,947 votes at Atty. Nolly Sodusta na may 59,642 na boto.

Panalo rin si Carlito Marquez bilang kongresista sa unang distrito ng Aklan para sa ikatlong termino na may 89,271 votes gayundin si Ted Haresco sa ikalawang distrito na nakakuha ng 134,436 na boto.

Batay sa datos ng Comelec, ang Aklan ay may 409,000 na rehistradong botante at 694 na clustered precincts.

Hinihintay pa ang pormal na pagproklama ng provincial board of canvassers sa mga nanalo sa katatapos na eleksyon.