CAUAYAN CITY – Hindi nakitaan ng African swine fever (ASF) ang 70 blood samples na ipinasuri ng Department of Agriculture (DA)-Region 2 sa Bureau of Animal Industry (BAI) noong nakaraang linggo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Roberto Busania, Regional Technical Director for Operations and Extension ng DA-Region 2, sinabi niya na nagkaroon sila ng pagdududa matapos na magkasakit at mamatay ang ilang alagang baboy sa Nueva Vizcaya.
Dahil parehas ang ilang sintomas ng hog chlorera at ASF kaya minabuti nilang kunan ng blood samples ang mga ito.
Tiniyak naman ng DA Region 2 na ligtas ang mga baboy sa rehiyon dahil negatibo ang resulta ng pagsusuri ng BAI sa mga blood samples ng mga namatay na baboy sa Nueva Vizcaya.
Sa kabila nito ay nangangamba ang DA-Region 2 na maaaring maharap sa kakulangan ng suplay ng baboy ang rehiyon dahil hindi pa pinapayagang makapasok ang mga nagmula sa mga karatig na rehiyon.
Tiniyak ng DA Region 2 sa publiko na ligtas sa ASF ang mga produktong baboy na gawa sa ikalawang rehiyon.