Nangako ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na tatapusin na nito ang natitirang mga rebelde sa loob ng isang taon.
Ayon kay Armed Forces of The Philippines Chief of Staff Gen Andress Centino, ang militar ay may sapat na pwersa upang tumugon sa pangakong ito ng nasabing task force.
Paliwanag ni Gen Centino na sa kasalukuyan ay 20 mula sa 22 communist fronts sa buong bansa ay lubusan nang humina habang ang iba ay tuluyan na ring nabuwag.
Ang dalawang nalalabi aniya ay kapwa nasa Northern Samar na sila ngayong pokus ng military operation at development effort ng militar. Maliban dito, bumuo rin ang AFP ng isang panibong batalyon upang tumulong na mawakasan ang dalawang nabanggit na front.
Paglilinaw ng heneral na bagaman ang karamihan sa mga nabanggit na NPA front ay paubos na, hindi pa rin matatapos dito ang kanilang trabaho dahil kakailanganin pa rin aniyang tugunan ang pangangailangan ng mga residente na bumangon mula sa mahigit limampung taon na impluwensya ng inisurhensiya.
Kamakailan nang ni-reorganisa ng Malakanyang ang task force sa pagnanais nitong magkaroon ng pagbabago sa istratehiyang ginagamit nito para matugunan ang ilang dekada nang insurhensiya na problema ng bansa.