Nagnegatibo sa COVID-19 test ang ilang nakahalubilo ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa Senado.

Ilan sa mga sumalang sa swab test ang mismong mga kasamahang mambabatas ni Dela Rosa, na present din noong araw na dumalo ang dating PNP chief sa kanilang sesyon.

Ayon kay Sen. Joel Villanueva, lumabas ngayong araw ang test result at nagpapasalamat siya na walang na-detect na COVID-19 strain sa kanilang katawan.

Maging ang ilang staff ng mataas na kapulungan ng Kongreso ay negatibo rin ang nakuhang resulta sa laboratory test.

Payo ni Villanueva, panatilihin pa rin ang pagsusuot ng face mask at paghuhugas ng kamay, kasabay ng social distancing, upang makaiwas sa kumakalat na sakit.