Umapela at nanawagan si Justice Secretary Menardo Guevarra sa ilang mga tiwaling negosyante na huwag samantalhin ang kasalukuyang krisis o ang Coronavirus disease 2019 (covid-19).

Ito ay dahil na rin sa magkakasunod o halos araw-araw na may mga naaarestong online seller ng face mask, alcohol at thermal scanner ang National Bureau of Investigation (NBI).

Ang mga nahuli ay nagbebenta ng mga produktong overpriced na labis na kailangan ngayong mayroong Covid sa bansa.

Katunayan ay isang doktor ang naaresto kahapon ng NBI sa entrapment operation na nagbenta ng 160 piraso ng overpriced at donasyong thermal scanner sa halagang P1.2 million.

Noong isang isang linggo naman ay apat na katao ang inaresto din ng NBI dahil sa pagbebenta ng 60 piraso ng face mask sa halagang P300,000 at nasundan pa ng iba’t ibang entrapment operation na nagresulta sa pagkaka-aresto ng mga tiwaling negosyante.

Babala ni Guevarra na tuloy-tuloy ang operasyon ng NBI sa naturang modus ng mga negosyante para panagutin ang mga ito ng mga kasong paglabag sa Republic Act 7851 dahil sa profiteering, RA 10623 o Price Act of the Philippines at paglabag sa Consumer Act of the Philippines.