Aminado ang Commission on Elections (Comelec) na kailangan pa nilang magdoble kayod bago maabot ang kanilang target na 1.5 million na bagong botante para sa 2023 barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE).
Ayon kay Comelec Chairman Goerge Erwin Garcia, sa ngayon nasa 400,000 pa lamang ang mga nagparehistro para sa halalan sa Oktubre.
Malayo pa ito sa kanilang target na 1.5 hanggang sa 2 million na magpaparehistro mula Disyembre 12 hanggang katapusan ng buwan ng Enero ngayong taon.
Umaasa naman ang chairman ng komisyon na sa mga susunod na araw hanggang sa matapos ang buwan ng Enero ay dadami pa ang mga magpaparehistro na ating mga kababayan.
Ang mababang turnout ay mistulang isinisisi naman ni Garcia sa kaugalian ng mga Pinoy na mañana habit o ang pagpapabukas pa ng mga gawaing puwede namang gawin ngayong araw.
Kaya naman, hinimok ni Garcia ang lahat ng mga kuwalipikado pero hindi pa nakakapagparehistro na samantalahin na ang nagpapatuloy na voter registration.
Aniya, karapatan daw ng bawat Pinoy ang magrehistro at obligasyon ang pagboto na karapatan ng bawat mamamayan.
Ang mga gustong humabol sa registration ay puwedeng bumisita sa mga local Comelec offices, satellite registration sites sa mga mall kung saan isinasagawa ang registration.
Puwede rin umanong i-avail ang Register Anywhere Project na isinasagawa kada weekend sa mga mall.
Sa ngayon, wala pa raw plano ang Comelec na palawigin pa ang voter registration na magtatapos sa Enero 31.
Pumirma na rin si Garcia ng memorandum of understanding kay Government Service Insurance System General Manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso para sa paglulunsad ng Register Anywhere Project (RAP) sa Government Service Insurance System Complex.
Dagdag niya, ilulunsad din umano ang Register Anywhere Project sa Senado sa Enero 25 para mabigyan ng pagkakataon ang mga government workers na magrehistro.
Bukas naman ang Comelec chairman na palawigin ito sa lahat ng rehiyon sa bansa pero pagbabasehan muna nila ang kinalabasan ng pilot implementation nito.